“Nang araw ding iyon, ang dalawa sa mga alagad ay patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, labing-isang kilometro ang layo mula sa Herusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Samantalang nag-uusap sila at nagtatanungan, lumapit si Hesus at nakisabay sa kanila. Siya’y nakita nila, ngunit hindi nakilala agad… Siya’y biglang nawala. At sinabi nila sa isa’t isa: ‘Kaya pala nag-aalab ang ating mga puso habang tayo’y kinakausap sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang Banal na Kasulatan!’” (Lc 24: 13-32).

“Ako ay kasama ninyo palagi, hanggang sa dulo ng panahon” (Mt 28:20).
Naroroon sa Banal na Eukaristiya ang pisikal na presensya ni Hesus. Naroroon Siya sa Kanyang Salita. Naroroon Siya sa bawat tao, lalo na sa mahihirap. Subalit pumaparito si Hesus sa ating piling kahit sa paraang espiritwal, saanman tayo naroroon, hangga’t tunay nating isinasabuhay ang bagong kautusang mahalin ang isa’t isa, hangga’t tayo ay nagkakaisa sa Kanyang pangalan.

Tandaan nating ipinangako ni Hesus na mananatili Siya sa ating piling, at na sa atin ay Kanyang sinabi, “Sapagka’t saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila” (Mt 18:20).

Hindi tinutukoy ni Hesus kung sino ang “dalawa o higit pa.” Maaaring tumutukoy ito sa dalawa o tatlong nagsisising makasalanan na nagkakaisa sa Kanyang pangalan. Maaaring tumutukoy ito sa dalawa o higit pang kabataan, o sa isang nakatatanda at isang nakababata. Kapag si Hesus ay nananahan sa ating piling, kahit na sa paraang espiritwal, Siya pa rin ay mismong si Hesus na naroroon kasama natin, at nag-aalab ang Kanyang pagmamahal sa ating mga puso tulad ng pag-alab nito sa puso ng mga alagad ng Emaus. Kanilang sinabi sa isa’t isa, “Hindi ba nararamdaman nating nag-aalab ang ating puso samantalang kinakausap niya tayo sa daan, at ipinaliliwanag niya ang mga Kasulatan?” (Lc 24:32). Gayunpaman, maaaring maglaho ang Kanyang presensya kapag ihihinto nating mahalin ang isa’t isa. Bilang mga Kristiyano, lubos na mahalagang panatilihin si Hesus sa ating piling sa pamamagitan ng pagmamahalan sa isa’t isa, gaya ng pagmamahal Niya sa atin.

Ang di-nakikitang kaibigan

Ang pagtuklas sa pagsasabuhay ng puntong ito ng Espiritwalidad ng Komunyon mula sa mga karanasan ni Chiara Lubich: Nangyari ito noong 1944… Panahon iyon ng digmaan at lahat ng bagay ay nawawasak dahil sa pambobomba. Naunawaan namin ng aking mga kaibigan na hinding hindi na matutupad ang mga hangaring itinakda namin para sa aming sarili, tulad ng pagbubuo ng isang pamilya (maaaring hindi na bumalik mula sa giyera ang nobyong sundalo), ang pag-aaral (dahil sa mga hadlang na ibinabanta ng digmaan…) at iba pa.

Bilang kabataan, hinangad namin ang isang perpektong layunin para sa aming buhay na hindi kailanman mamamatay. Naunawaan ko na iisa lamang ang ganoong layunin: ang Diyos. Napagpasyahan naming ang Diyos ang magiging “lahat” sa aming buhay. Siya, sa gitna ng nakatatakot na digmaang bunga ng poot, ang nagbunyag ng Kanyang sarili sa amin bilang pag-ibig—Diyos ay Pag-ibig (1 Jn 4:16). Sa aming pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang pag-ibig, nadama namin ang Kanyang mapagmahal na presensya sa bawat sitwasyon.
Bilang ganti, maaari namin Siyang mahalin sa pamamagitan ng pagtupad sa Kanyang kalooban at sa pagsasabuhay ng Kanyang mga salita, higit sa lahat ang kautusang tinatawag Niyang “bago” at “Kanya.”

“Ibinibigay ko sa inyo ang isang bagong utos: magmahalan kayo! Kung paanong iniibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo” (Jn 13:34). Ipinahayag namin sa bawat isa na handa kaming ibigay ang aming buhay para sa isa’t isa. Sinikap naming mabuhay nang ganito, at tunay na nagbago ang aming pag-iral. Sa buhay-pagkakaisa, natuklasan namin ang presenya ni Hesus sa aming piling tuwing kami’y nagkakaisa.

Nakita naming lubos na bumuti ang kalidad ng aming buhay. May isang dumating
sa aming grupo: isang tahimik at di-nakikitang kaibigang nagbibigay sa amin ng kasiguraduhan, lahad na kagalakan, bagong kapayapaan, kaganapan ng buhay, at ‘di mapupukaw na liwanag. Tinupad ni Hesus ang Kanyang pangako sa amin:
“Sapagka’t saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila” (Mt 18:20).

Isinalin ni John Paul Dominic Yumul mula sa librong Called to Be Community: Making the Church a Home and School of Communion.

Facebook Comments

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.