Sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa bagong kautusan, ang pagkakaisang niloob ni Hesus ay matutupad, at pahihintulutan nitong pumarito si Hesus sa ating piling. Sa pagkakaisa, ating nadarama, nakikita at tinatamasa ang presensya ni Hesus.

Tinatamasa nating lahat ang Kanyang presensya at iniinda nating lahat ang Kanyang pagkawala, sapagkat ang presenyang ito ay kapayapaan, kasiyahan, pagmamahal, diwa ng kabayanihan, at ang pinakamarangal na uri ng pagbubukas-palad. Ang ganitong klima at ang mga epekto nito ay bunga ng espiritu ni Hesus, mismong ang Espiritu Santo.

Ang Espiritu ni Hesus na Muling Nabuhay na ngayo’y nasa ating piling ang siyang humuhubog sa bawat isa sa atin upang tayo’y maging tulad ni Hesus; hinuhubog Niya tayo upang maging pagpapatuloy Niya dito sa lupa para sa ating kapwa – bilang Katawan ni Kristo, ang Simbahan.

Ang sinumang nagpapatunay ng pagkakaisa sa pamamagitan ng kanilang mapagkapwang pagmamahalan ay nagsasabuhay ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo; sila ay “nakararanas” ng buhay ng Siyang muling nabuhay, na sa kanila’y sumasaloob dulot ng grasya. Samakatuwid, taglay nila ang buhay na hindi pumapanaw. Wika ni Hesus, “Sinuman ang nabubuhay at nananalig sa akin ay hindi mamamatay kailanman”(Jn 11:26).5

Sabi ni Blessed Paul VI: “Ang mga nananampalataya ba ay nagkakaisa sa pagmamahal, sa pagkakawanggawa ni Kristo?

Kung ganoon, tiyak na ito ay isang buhay na parokya, isang tunay na Simbahan sapagkat naroon ang pagsibol ng makalangit at makataong kaganapan na pinalalawig ang presensya ni Kristo sa ating piling. O hindi kaya’y nagkakatipun-tipon lamang ang mga nananalig dahil naroroon ang kanilang pangalan sa rehistro ng parokya o naitatala sa listahan ng mga nabinyagan? Natitipon ba sila dahil lamang sila’y nagkikita tuwing Linggo upang dumalo sa Misa, nang hindi nakikilala ang isa’t isa, o marahil nagsisikuhan pa na tila sagabal sa isa’t isa? Kung ganito nga, waring hindi naibibigkis ang Simbahan…

Tandaan natin ang taimtim na mga salita ni Kristo: tunay na makikilala kayo bilang aking mga alagad, bilang mga tapat na tagasunod, kung magmamahalan kayo; kung taglay ninyo ang magiliw at taos-pusong pagpapahalaga para sa isa’t isa; kung naroroon ang masiglang pagdamay sa iba – isang pagdamay na hindi nagwawalang-bahala subalit nagkukusang-loob, hindi lamang dagliang umuusbong subalit sadyang natatamo, taglay ang kabutihang-loob at lakas na aakit kay Hesus sa ating piling na magmumula sa kamalayan ng ating pagkakaisa sa Kanya at sa pamamagitan Niya.”

Isinalin ni John Paul Dominic Yumul mula sa librong Called to Be Community: Making the Church a Home and School of Communion.

Facebook Comments

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.