Magpapasko na, at mga kalye ay may mga ilaw na kumukuti-kutitap. Walang katapusan ang hilera ng mga tinda, mga bilihin na parang kay rarangya at kumikinang. Sa kaliwa ng aming sasakyan may nakatawag pansin.

May niyebe na dahan-dahang bumabagsak: isang optikal na ilusyon. May mga batang babae at lalaki na sakay na hinihila ng mga reindeers sa sleigh at iba pang mga Disney karakter. Marami pang mga sleigh at nandoon si Santa Klaus, may maliliit ding reindeers, maliliit na laruang baboy, kuneho, palaka, mga manika at puppets at mga pulang dwende.

Lahat ay gumagalaw ng dahan-dahan…Ah may mga anghel din..Ay hindi pala.. mga diwata pala sila, na ginawa para pagandahin ang Snowhite scene. Ang isang bata na nanonood sa bintana kasama ng kanyang mga magulang ay manghang-mangha sa panonood nito.

Subalit sa puso ko hindi ako makapaniwala, at parang nanlalaban ang aking damdamin. Ang marangyang mundo na ito ay ikinukulong ang Pasko at ang lahat ng nagkukuwento tungkol dito. Pinalalayas nito si Hesus. Gusto nito ang mga mga tula, ang masayang damdamin ng panahon, ang pagkakaibigan na dala ng Pasko, ang mga regalo, ang mga ilaw, ang mga tala’t bituin, at ang mga awitin.

Tinitingnan nito ang Pasko bilang pinakamainam na panahon upang kumita ng malaking pera, subalit kinalimutan naman nito si Hesus. Umuwi Siya sa kanyang “bayan” at “bahay”, pero di Siya kinilala ng Kanyang mga kaanak at kababayan… Walang lugar para sa Kanya na matutulyan, at kahit ngayong Pasko wala pa rin Siyang mauuwian…

Hindi ako makatulog sa ganitong pagiisip kagabi…Halos gising na gising ang aking isipan magdamag…Kung mabubuhay akong ulit, gagawa ako ng maraming bagay , ng trabaho para lang sa Pasko ng lahat ng tao dito sa mundo…

Gagawa ako ng magagandang Christmas cards, gagawa ako ng mga statwa, maliit o malaki, mahuhusay na gawa ng sining, susulat ako ng tula, ng mga kanta, mga kantang pampasko luma man o bago, magdidisenyo ako ng mga librong pambata at para rin sa matatanda tungkol sa misteryong ito ng pag-ibig..Susulat ako ng mga linya para sa mga dula’t pelikula …Marami akong gagawin upang ipanumblaik ang diwa ng Pasko.

Nagpapasalamat ako sa Simbahan dahil sinalba niya ang imahen ng Pasko!
Mga ilang taon ang nakakaraan, nasa isang bansa ako na kung saan maraming tao ang hindi naniniwala sa Diyos.

May isang pari doon na umuukit ng mga anghel upang ipaalala sa mga tao na mayroong langit. Ngayon mas nauunawaan ko ang paring ito. Ang praktikal na atesimo, na patuloy na naghahari sa mundo, ay nangangailangan ng mga ganitong pagpapaalala.

Ang panatilihin ang pagdiriwang ng Pasko pero binabaliwala naman ang sinilang na Sanggol
ay nakakalungkot. Kayat sa ating mg tahanan isigaw natin kung sino talaga ang isinilang ngayong Pasko, at ipagdiwang natin ang Kanyang pagparito dito sa ating mundo sa paraang ‘di pa natin naipagdidiwang.

Chiara Lubich
Isinalin ni Robert Cosme mula sa librong Christmas Joy, Spiritual Insights by Chiara Lubich pp. 39-40.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here