Ang init (ng pagmamahalan) na nadarama sa Pasko ay nagdadala sa atin upang madama lalo ang pagiging isang pamilya, mas nagkakaisa, mas magkakapatid, upang ibahagi ang lahat: tuwa at paghihirap – higit sa lahat, ang makibahagi sa paghihirap ng mga taong sa iba’t ibang kadahilana’y magpa-Pasko na may kaharap na pasakit.

Sa mga taong nasa ganitong sitwasyon, nais nating ituon ang pansin.

Paghihirap!

Ang sakit na minsa’y nangingibabaw sa buhay natin o ang sakit na nararanasan at humahalo ng pait sa tamis ng pang-araw-araw nating buhay…

Paghihirap: isang karamdaman, isang kasawian, isang pagsubok, isang masakit na pangyayari…

Paghihirap!

Paano natin titingnan ang bagay na ito na tuluyang nakakaapekto sa lahat ng tao sa kasalukuyan, o maaaring lumitaw sa buhay ninuman?

Paano natin ito bibigyan ng kahulugan, paano natin ito makikilala? Anong ipapangalan natin sa kanya? Kaninong tinig ito?

Kung titingnan natin ang paghihirap sa pamamagitan lamang ng ating mga mata, matutukso tayong hanapin ang pinagmulan nito sa loob o labas ng ating sarili, sa masamang hangarin ng tao halimbawa, o sa kalikasan, o sa iba pang bagay…

Ang aksidenteng iyon ay kasalanan niya; ang karamdamang iyon ay kasalanan ko; ang masakit na pagsubok ay nagmula sa ganito at ganoon…

Maaaring totoo ang mga ito, subalit kung mangangatwiran lamang tayo sa ganitong paraan, mayroon pa tayong nakakaligtaan. Nalilimutan natin na sa likod ng storya ng ating buhay, naroon ang Diyos at ang kanyang pag-ibig, na nagnanais o ipinapahintulot ang lahat ng bagay para sa mas mataas na kadahilanan: ang ating kabutihan.

Ang paghihirap, para sa may maka-Kristiyanong pananaw, ay isang dakilang bagay; sa katunayan, ito ang posibilidad na magawang ganap ang pagpapakasakit ni Kristo sa ating sarili, para sa paglilinis ng ating kaluluwa at para sa kaligtasan ng nakararami.

Ano ang masasabi natin ngayon sa isang tao na lumalaban sa paghihirap? Ano ang nais natin para sa kanila? Paano dapat tayo makitungo sa kanila?

Una sa lahat, dapat natin silang lapitan ng may malaking paggalang. Kahit na hindi nila marahil naiisip ang kahalagahan ng kanilang paghihirap, sa mga oras na ito, sila ay binibisita ng Diyos.

Pagkatapos, hangga’t maaari, makibahagi tayo sa kanilang mga krus na pasanin. Ipadama natin sa kanila na sila’y laging nasa ating isipan at mga panalangin, upang matutunan nilang tanggapin mula sa kamay ng Diyos ang lahat ng mga bumabagabag at nagpapahirap sa kanila, at mapag-isa ito sa pagpapakasakit ni Jesus, dahil sa ganitong paraan lamang maabot ang kaganapan nito.

Ipaalala natin sa kanila ang kahanga-hangang maka-Kristiyanong simulain, kung saan ang isang paghihirap na minamahal bilang mukha ni Jesus na pinako at pinabayaan sa krus, ay maaaring magbago at maging kaligayahan.

Ngayong Pasko, nawa’y matutunan ng lahat na tanggapin ng may pagmamahal, ng may dakilang pagmamahal, ang lahat ng malaki o munting paghihirap na mararanasan, at ialay ito sa sanggol na si Jesus na isinilang ngayon, tulad ng mga pantas na nag-alay ng kanilang mga regalo.

Ito ang magiging pinakamainam na kamanyang, ang pinakamahalagang ginto, at pinakamabangong mira na maaari nating dalhin sa sabsaban…

Chiara Lubich

Facebook Comments

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here