Home2017JuneAng Banal na Espiritu (Ikalawang Bahagi)

Ang Banal na Espiritu (Ikalawang Bahagi)

Sa pagpapatuloy ng ating serye ng mga pagninilay hango mula sa akdang Tinawag Upang Maging Sambayanan, narito ang ilang mga kaisipan at karanasang naglalahad ng ikalabing –isang punto sa 12 punto ng Espiritwalidad ng Pagkakaisa: Ang Banal na Espiritu.

Ang Tagapagtaguyod, ang Espiritu Santo na ipapadala ng Ama sa Aking Ngalan – Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at paaalalahanan kayo ng lahat na sinabi Ko sa inyo (Jn 14:26). 

Isang mapagmahal na pagtugon

Ang pagtuklas sa pagsasabuhay ng puntong ito ng Espiritwalidad ng Komunyon mula sa mga karanasan ni Chiara Lubich:

Sa oras ng pagtanggap ng Banal na Komunyon, naisip ko ang puso ni Hesus. Sa labis na kaligayahan, aking pinagnilayan kung anong puso ang taglay ng maluwalhating Hesus sa Kanyang pagmamahal sa atin. Iniisip ko noon kung ano ang maaari kong itugon sa kanya. Nagkaroon ako ng isang pangitain: ang Puso ay nag-aanyaya sa puso. Samakatuwid, “Puso para sa puso” ang aking ipinapasyang isabuhay ngayon at magpakailanman, hangga’t ito’y nais ng Diyos.

Isang puso para sa puso. Nangangahulugan itong kikilalanin ko ang ugali ng “pagsuko” bilang akin, liban ng anumang pag-aalangan (lahat na hindi kalooban ng Diyos) upang ganap na maihanda ang sarili sa pagtanggap ng Espiritu Santo. Tanging Siya sa aking loob ang may kakayahang mahalin ang Puso ni Jesus sa paraang kalugud-lugod. Kaya kailangan kong isantabi ang lahat ng bagay at bitiwan kahit ang pinakamaganda at banal sa mga ito, sapagkat lahat ng ito’y nararapat na aking mahalin, ngunit alinman sa kanila ay hindi ang Diyos.

Para sa Pagninilay

Taglay natin ang isang uri ng compass upang maunawaan ang kalooban ng Diyos. Ito ang tinig ng Espiritu Santo sa ating puso (Basahin ang Jn 14: 15-21).2

Sino ang nagtulak sa aming piliin ang kautusang mahalin ang isa’t isa at ang nagtanim sa aming puso ng pinalalim na pananampalataya sa Ebanghelyo? Ang Espiritu Santo. Utang namin sa Kanya ang aming pasasalamat… magpakailanman.

Kung ang mga bagay sa ating paligid ay nagbago para sa ikabubuti ng lahat, dulot ito ng Espiritu Santo na ibinabago ang daigdig. Oo, sapagkat Siya’y itinakda upang ipunla ang sigla at sigasig, ihatid ang biyaya ng Diyos – ang kabanalang buhay na natamo ni Hesus para sa atin – kumilos sa ating buhay, at ipagkaloob sa atin ang lakas at katatagan ng loob…

Naroroon din Siya sa kaluluwa ng bawat kapwa na ating nasasalubong, sapagkat sila’y Kanyang templo o nakatadhanang maging isa ring templo ng Espiritu Santo. Kung ganoon, hindi ba’t karagdagang dahilan ito upang higit pang mahalin ang ating kapwa?

Tulad ng ating pagpapakita ng wastong paggalang sa harap ng tabernakulo, kung saan si Jesus ay nananahan sa Eukaristiya, gayundin ay kailangan nating igalang nang husto ang lahat ng ating mga kapatid sapagkat sila’y mga tabernakulo ng Espiritu Santo…

Parangalan natin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagmahal, paggalang at paglilingkod sa bawat kapwa.

Ibinubunyag sa atin ni Hesus ang katangian ng Banal na Santatlo bilang pag-ibig, higit sa lahat sa pamamagitan ng misteryo ng Kanyang Pagkamatay at Muling Pagkabuhay na ibinunga ang ating kaligtasan at ang patuloy na pagpapahayag ng Espiritu Santo. Sa katunayan, si Hesus na ipinako sa krus ay malinaw na imahen ng misteryo ng Banal na Santatlo at ang kanyang perpektong kaganapan sa nilikhang daigdig… Binibigyang-buhay ng Ama ang Anak bunsod ng pagmamahal. Sa Kanyang ganap na “paglimot sa sarili” (kung maaaring ilarawan nang gayon), Siya ay nagiging “wala” (non-being) sa isang tiyak na paraan, bunsod ng pagmamahal; nang dahil dito, Siya ay Ama. At ang Anak, sapagkat Siya’y alingawngaw ng Ama, ay bumabalik sa Ama bunsod ng pagmamahal, at Siya rin ay nagiging “wala” sa isang tiyak na paraan, bunsod ng pagmamahal; nang dahil dito Siya ay Anak. Ang Espiritu Santo, na Siyang pagmamahalan sa pagitan ng Ama at Anak at kanilang buklod ng pagkakaisa, ay Siya ring nagiging “wala” bunsod ng pagmamahal – isang “pagka-wala” at “pagkaliban ng pagmamahal” kung saan ang Ama at Anak ay nagtatagpo at nagiging isa; nang dahil dito, Siya ay Espiritu Santo… Ito ang buhay ng Banal na Santatlo na dapat ay sikapin nating tularan, sa ating pagmamahalan sa isa’t isa bunsod ng pagmamahal na ipinupuspos ng Espiritu Santo sa ating mga puso, tulad ng pagmamahalan ng Ama at ng Anak…

                                                                                                          Chiara Lubich

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read